Mahal kong Ayong,
Mula sa magdamag na pagluha, ako’y namulat. Ngayon ang aking Kasal, ngunit ikaw ang laman ng aking isipan. Pakiramdam ko’y ako’y papasalibingan sa halip na makikipag-isang dibdib sa kaniya.
Kay bigat ng aking mga paa, tila ayaw kong gumayak at isuot ang aking trahe de boda. Naglalabo ang aking paningin habang minamasdan ko ang aking saya.
Ano kaya’t ako’y tumakas at sa iyo’y makipagtanan?
Ngunit nasaan ka, Ayong?
Hindi ko man lamang nalaman kung saan ka pumaroon. Hinanap kita sa bawat sulok ng ating mga tagpuan.
Pilit hinahagip ng aking mga mata ang bawat tatawid sa aming tarangkahan. Inaantabayanan ko kung ikaw’y isa mga naglalakad sa maalikabok at mabatong daanan.
Aking Ayong, nasaan ka?
Dumating ang kotseng puti na maghahatid sa akin sa simbahan.
Lahat na yatang dahilan ay pumasok na sa aking isipan, huwag lamang akong masampa sa sasakyan. Pakiramdam ko’y tila ito karo na patungo sa aking himlayan.
Sa pag-usad ng kotse ay bumuhos ang malakas na ulan. Tila delubyo ang hangin na bumabayo sa salamin na aking kinasasandalan.
May bagyo...